Thursday, December 7, 2006

Si Bogart at si Neneng sa Crossing

Kagabi bago maglipat ng petsa, pauwi pa lang ako mula Megamall. Syempre medyo delikado na pag ganung oras. (Anong medyo? Kelan ba hindi delikado ang pagsakay ng mga local bus sa Manila? Enter flashback of Fermex bus accident, labas utak.) Kaya nagpahatid ako kay Prick na lumipat ng overpass at maghintay ng masasakyang bus papuntang Boni. Di naman matagal ang aming pag-aantay at may napara na akong bus.

Matapos ang ilang sandali ay may mangilan-ngilan pang sumakay. Napatigil ang bus dahil sa traffic light. Habang naghihintay ng matagal-tagal na segundo, may sumakay pang isang lalaki. Itago natin siya sa pangalang Bogart.

Ngunit kaysa umupo si Bogart e kinausap niya ang mga taong nasa harapan ko at pinilit pababain. Natakot siguro ang isa at lumipat ng upuan. Kahit ako nakaramdam ng pangamba. Akala ko pa nga ako ang pinapababa.

Matapos ang ilan pang sigaw at paghatak ni Bogart sa babaeng nasa harapan ko (na itago natin sa pangalang Neneng), nakaladkad ni Bogart si Neneng pababa nang bus.

Laking buntunghininga ko nang umalis na si Bogart. Nakakatakot naman talaga na magkaroon nang gulo sa ganun pang mga oras. Parang ang tagal na nakatigil ng bus kaya sa pagkainip ay umalis ang lalaking natira sa upuan sa harap ko. Binyagan natin siyang Blue.

Hindi ko talaga mawari kung bakit ang tagal naka-istambay ng bus sa lugar na iyon. Siguro naghihintay pa ng iba pang pasahero o talagang matagal ang traffic light. Di ko na rin napansin dahil di ko maalis sa isipan si Bogart at si Neneng. Ano kayang gagawin ni Bogart kay Neneng? Paano kaya niya nasundan si Neneng? Magka-anu-ano kaya sila?

Nang biglang bumalik si Bogart at tinignan uli ang upuan sa harapan ko. May hinahanap. Nasan na raw yung taong nakaupo roon, tanong niya sa konduktor. Nagalit itong si Bogart nang nalamang nakababa na. Inaway pa nga ang konduktor at pareho silang bumaba nang bus. Nakita ko si Neneng sa tapat ng bintana ko, walang reaksiyon. O baka wala lang talaga.

Go na ang traffic light at nag-aalangan ang driver. Buti na lang daw at may pulis at kinausap si Bogart at ang konduktor. Hay naku. Mabagal na umusad ang bus sa malapit na sidewalk. Akala naming mga pasahero iiwan na niya ang konduktor. Di pa nakakapagbayad ang ilan. Pati ako. Nyehehe.

Nakabalik din ang konduktor malipas ang ilang minuto. Salamat sa pulis kundi may trobol na siguro dahil kay Bogart. Habang nagbabayad sa konduktor, pinapakinggan ko ang tuloy na pagtsitsismisan ng mga babaeng nasa likod ko ukol kina Bogart at Neneng. Ako rin ay may haka-haka sa aking isipan. Baka kalaguyo ni Neneng si Blue at nai-spot-an sila ni Bogart. Biglang takas naman itong si Blue. Takot sa engkwentro siguro.

Pa'no kung hindi siya nakatakas? Baka nag-away na sa mismong bus. Mabuti na rin palang bumaba siya agad. Whew.

Moral of the story: Huwag muna agad magbayad sa konduktor, baka bigla kang pababain.

No comments:

Post a Comment