Sa letrang B ng Yakult.
"Sa letrang B ng Yakult! Sa letrang Y ng Bacilli!" sigaw ni Ross, aking ka-opisina, habang pilit niyang iniintindi ang code niya. Tapos idadagdag niya pa ang kanta mula sa Kuwarta o Kahon --- Tan-tan-tan-tan-tan-tan-tan-tan-tan --- na pinapatugtog noon habang iniikot ang roleta ng Yakult. (Pasensya na kung walang sound effects dahil wala pa namang upload ng music dito sa Blogger. May makulit kaming recording ni Nhut tungkol sa kantang iyan.)
Yakult Fanatics.
Dahil dyan sa sigaw ni Ross ay aking naalala ang pangarap na magkaroon ng Yakult Litro. Nasambit ko ito kay Lochi at ipinagmalaki niyang mas gusto niya ang 1.5 liter na Yakult kesa isang litro lang. Masaya niyang inalala ang kanyang kabataan (matagal na pag-alala siguro) nang nasusugat pa raw ang kanyang labi habang umiinom ng Yakult. Umoo naman ako dahil noong bata rin ako (ilang taon lang ang nakalipas), nagsusugat paminsan-minsan ang aking labi dahil medyo matalim ang rim ng Yakult. Hindi pala ganito ang dahilan nang sugat-labi ni Lochi. Winawarak (ang galing!) niya ang bote ng Yakult gamit ang kanyang mga ngipin para lang makuha ang kung anumang likidong naiiwan sa bote (tawagin na lang nating leklek) matapos mong tunggain ito. Tapos ay susungkitin daw niya ito at nanamnamin. O di ba, sino pang mas aadik sa Yakult kesa sa kanya?
Karagdagang gawaing adik: Nasubukan mo na rin bang inumin ang Yakult na nakaipit o nakasalaksak (nice word) ang upper lip mo sa bote? Tapos inaangat-angat mo ang bote para makainom. At kahit na ubos na ang laman ay feel na feel mong nakasaksak ang labi mo sa bote at pinaglalaruan pa. Kung oo ang sagot mo, huwag kang mag-alala, di ka nag-iisa! Marami tayo! XD
Yakult Tips and Tricks.
Naibulalas ko itong kamanghamazing na kwento kay Nhut sa aking pag-uwi. Naibahagi niya tuloy ang kanyang mga tips para sa pag-inom ng Yakult. Kung gusto kong tawagin ang sarili kong Yakult Baby, siguro si Nhut ang Yakult Master. Si Lochi, Yakult Addict.
Paanong di mabitin sa pag-inom ng isang (maliit na) bote ng Yakult:
1. Tanggalin ang wrapper.
2. Uminom lamang ng kaunti. Tantyahin ang mga lunok, parang pinapadaan lang ang lasa sa lalamunan.
3. Pagkatapos malasahan ang Yakult sa lalamunan, tunggaing buo ang natitirang laman. Siguraduhing isang lunok lang ang pag-inom para mabusog.
Paanong walang matirang leklek sa Yakult matapos inumin (na hindi masusugatan ang labi):
1. Aluging mabuti (shake well) ang Yakult.
2. Aluging muli. Pakaalog nang mabuti.
3. Tanggalin ang wrapper.
4. Inumin ang kalahating parte ng Yakult. (Pero ok din kung 1/3 o 1/4, basta huwag tunggaing buo.)
5. Aluging muli. (Ingat lang para huwag matapon ang napakahalagang mga patak ng Yakult.)
6. Inumin ang natirang Yakult. (Maaaring hindi ubusin. Kung gayon, ulitin lang ang ika-5 at ika-6 na hakbang hanggang maubos ang Yakult.)
Paalala: Maaari ring pagsamahin ang dalawang nasabing paraan upang ma-enjoy nang mabuti ang Yakult.
No comments:
Post a Comment