Friday, September 14, 2007

Bangkang Papel

Matindi ang buhos ng ulan. Kumulog nang malakas. Nawalan ng kuryente. Tinanggal ko ang saksakan ng TV at lumabas ng bahay.

Muling nabasa ang mga nakatabing sinampay dahil sa ubod nang lakas ng ulan. Pati mga nakatiwangwang na batya ay napuno ng tubig-ulan. Ni hindi ko maaninag ang kalangitan dahil sa hagulgol ng kalikasan. Tumambad sa akin ang namumuong bangka sa aming bakuran. Hinanap ko ang pinanggalingan ng agos at nabaling ako sa maliit na eskinitang pagitan ng aming bahay at ng pader ng kapitbahay. Animo'y naging ilog ang eskinita dahil sa bilis at lakas ng daloy ng tubig. Kasabay ng pag-agos ng tubig-baha, may namuong ideya sa aking isipan --- bangkang papel.

Pumasok ako sa bahay. Ikinuwento ko kay Mama ang mga basang sinampay. Lumabas siya upang tingnan ang mga ito at napansin din ang baha. Naibahagi ko ang pagnanasang maglaro ng bangkang papel. Ngunit nasambit ko rin ang panghihinayang dahil masisira lang din naman ang papel bandang huli. Hindi inalintana ni Mama ang aking pag-aalinlangan at inudyok pa ako upang ituloy ang paglalaro. Masaya kaming bumalik sa loob ng bahay at naghanap ng gamit na papel.

Ang tagal ko na rin palang hindi gumagawa ng bangkang papel. Ni hindi ko na maalala kung paano. Tinuruan akong muli ni Mama. Tulad nang ako'y musmos pa, ginaya at sinundan ko ang bawat tuping ginawa niya sa hawak na papel. Galak na galak ako nang natapos namin ang aming mga bangka. Simula na nang laro!

Lumabas kaming muli ng bahay. Pinag-aralan ko kung saan magandang ibaba ang bangka upang matagal-tagal ang kanilang paglalakbay. Buong kasabikan kong ibinaba ang aking bangka. Gayundin si Mama. Inanod ng baha ang mga bangka subalit hindi pa nangalahati sa kanilang kurso ay naharang sila ng uka sa semento.

Natawang nalungkot ako. Gusto kong makita ang matagumpay nilang paglalayag. Nang una'y pinilit kong sundutin ang bangka sa may kalayuan ngunit hindi umabot. Sa aking masidhing hangarin, kumuha na ako ng payong at nilapitan ang mga bangka. Inabot ng aking mga nanlalamig at basang paa ang aking bangka upang ilihis at ipagpatuloy ang kanyang layag. Subalit huli na ang lahat. Masyado nang nabasa ang papel kaya hindi na kinayang maglayag pa.

Mabuti pa noong bata ako, walang sawa akong gumagawa ng bangkang papel kahit lulunurin lang ng tubig.

Dumikit na lang ang papel sa semento at bumalik na ako sa tarangkahan.


Setyembre 2007

No comments:

Post a Comment