Ang tema'y nagbabago, kung saan nagsisimula ang dagat.
Ang pakikipagsapalaran ba ay ang dagat o yaong hubog
na hinuhubog matapos, na siyang mabubuhay
sa alaala ng mga araw? aking nagugunita ang isang isla
kung saan dinala ako ng dagat at nagbukas
sa akin ng iba't ibang pintuan ng karunungan. Ang karagatan
noo'y nagsimula, nagwakas pagkaraan, doon
tanging patuloy umagos, at inuugoy ako sa mga gabi
ng mga layag na lilis, ng mga pinyang hungkag
ng mga matataas na palong niyapos ng pagnanasang
sinliwanag ng mga bakas ng sinag ng buwan.
Sa bandang huli, aking napagtantong nawalan ako nang gawain
dahil walang mga India o mula sa mga prinsesa
ang gantimpala ng isang ngiti. Ngunit ang mga laban
ay lumagi para sa iba, mga torpedo at kanyon
ay hindi malayo. Yaong digmaang
ako'y nagkunwang bahagi. Bangka'y dumaong
iisipin ko ang isla, luntiang tulad ng isang slogan,
doon hindi ako nagkakasakit tulad ng, sa dagat,
nangyari sa akin sa mga bapor ng Insulana.
Hindi ako mandaragat. Ang sinaunang mundo
ay maaaring mabuhay sa mga aklat, mga siping nilimbag
nagparami sa atlas, ang ibang mga makata
pinaliguan ang kanilang mga tula sa Gresya. Ako
ay naroon, nakatigil sa oras, kung saan
nagsimula at nagtapos ang dagat, naghihintay
para matulog ang orasan sa pangunahing bulwagan
upang simulan ang pagbabalik. Ang aking tahanan
ay nasa silangan, doon ang dagat ay
magwawakas para sa akin, at mula sa aplaya lamang
makikita ko ito, ibubulong sa akin ng imahinasyon
na ito'y nag-umpisa sa aking mga paa at sa paglalayag
ay hindi maisasama. Isang mukhang walang lihim
na sumasakit sa mga itim na alon, at kumakaway sa akin
habang ang eroplano'y bumababa at nagkakalat
ng isang dagat ng mga ulap na maghihiwalay at magsisimulang muli.
[Isinalin ni Nerissa De Castro]
No comments:
Post a Comment